Ano ang Eukaristiya?
Ang Eukaristiya ang mismong sakripisyo ng Katawan at Dugo ng Panginoong Hesus na itinatag niya upang manatili ang sakripisyo sa krus sa lahat ng panahon hanggang sa kanyang pagbabalik sa kaluwalhatian. Ipinagkatiwala niya sa Simbahan ang pag-alalang ito sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Tanda ito ng pagkakaisa, bigkis ng pag-ibig at piging ng Paskuwa, kung saan tinatanggap si Kristo, napupuno ng biyaya ang kalooban at ibinibigay ang pangako ng kaluwalhatian sa hinaharap.
Kailan itinatag ni Hesukristo ang Eukaristiya?
Itinatag ni Hesus ang Eukaristiya noong Huwebes Santo, “sa gabing siya ay ipinagkanulo” (1 Corinto 11:23), habang ipinagdiriwang ang Huling Hapunan kasama ng kanyang mga apostol.
Paano niya itinatag ang Eukaristiya?
Pagkatipon kasama ng mga apostol sa silid ng Huling Hapunan, kinuha ni Hesus ang tinapay, pinagpira-piraso at ibinigay sa kanila: “Kunin ninyo ito at kainin, kayong lahat; ito ang aking Katawang ihahandog para sa inyo.” Pagkatapos, kinuha niya ang kalis ng alak: “Kunin ninyo ito at inumin, kayong lahat. Ito ang kalis ng aking Dugo, ng bago at walang hanggang tipan, na ibubuhos para sa inyo at sa lahat upang mapatawad ang mga kasalanan. Gawin ninyo ito bilang pag-alala sa akin.”
Ano ang kahalagahan ng Eukaristiya sa buhay ng Simbahan?
Ito ang bukal at rurok ng buong buhay-Kristiyano. Sa Eukaristiya, umaabot sa tugatog ang pagpapabanal sa atin ng Diyos at ang pagsamba natin sa kanya. Nasa loob nito ang buong kabutihang espirituwal ng Simbahan, si Kristo mismo na ating Paskuwa. Ipinahahayag at isinasakatuparan nito ang pakikipagkaisa sa buhay ng Diyos at pagkakaisa ng Bayan ng Diyos. Sa pagdiriwang nito, nakaugnay na tayo sa liturhiya ng langit at nalalasap na ang buhay na walang hanggan.
Ano ang mga tawag sa sakramentong ito?
Ipinahahayag ng iba’t ibang pangalan ang di-masukat na kayamanan at mga aspeto nito. Kabilang sa mga karaniwan: Eukaristiya, Banal na Misa, Hapunan ng Panginoon, Pagpuputol-putol ng Tinapay, Pagdiriwang ng Eukaristiya, Pag-alaala sa pagpapakasakit, kamatayan at muling pagkabuhay ng Panginoon, Banal na Sakripisyo, Banal at Makadiyos na Liturhiya, mga Banal na Misteryo, Kabanal-banalang Sakramento ng Dambana, at Banal na Komunyon.
Ano ang lugar ng Eukaristiya sa plano ng Diyos sa kaligtasan?
Inilarawan ito sa Lumang Tipan lalo na sa taunang hapunan ng Paskuwa ng mga Hudyo na may tinapay na walang lebadura, bilang pag-alala sa kanilang mabilis at mapagpalayang pag-alis sa Ehipto. Ipinahayag ito nang maaga ni Hesus sa kanyang pagtuturo at itinatag nang ipagdiwang ang Huling Hapunan kasama ng mga apostol sa hapunan ng Paskuwa. Tapat sa utos ng Panginoon, “Gawin ninyo ito bilang pag-alala sa akin” (1 Corinto 11:24), laging ipinagdiriwang ng Simbahan ang Eukaristiya, lalo na tuwing Linggo, araw ng muling pagkabuhay ni Hesus.
Paano isinasagawa ang pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya?
May dalawang pangunahing bahagi na bumubuo ng iisang gawa ng pagsamba. Kasama sa Liturhiya ng Salita ang pagpapahayag at pakikinig sa Salita ng Diyos. Kasama sa Liturhiya ng Eukaristiya ang paghahandog ng tinapay at alak, ang panalangin o anapora na naglalaman ng mga salita ng konsekrasyon, at Komunyon.
Sino ang tagapagdiwang ng Eukaristiya?
Ang tagapagdiwang ay balidong naordenahang pari, obispo man o presbitero, na kumikilos sa Persona ni Kristong Ulo at sa pangalan ng Simbahan.
Ano ang mahahalagang kailangan sa pagdiriwang ng Eukaristiya?
Ang mahahalagang sangkap ay tinapay na trigo at alak na ubas.
Sa anong paraan pag-alaala sa sakripisyo ni Kristo ang Eukaristiya?
Pag-alaala ito sapagkat ginagawang kasalukuyan at aktuwal ang sakripisyong minsanang inialay ni Kristo sa Ama sa krus para sa sangkatauhan. Makikita ang katangian nitong sakripisyo sa mga salita ng pagtatatag: “Ito ang aking Katawang ibinibigay para sa inyo” at “Ang kalis na ito ang Bagong Tipan sa aking Dugong ibubuhos para sa inyo” (Lucas 22:19–20). Iisa ang sakripisyo sa krus at sa Eukaristiya. Iisa ang pari at ang iniaalay; ang paraan lamang ng paghahandog ang naiiba: may pagdanak ng dugo sa krus, walang pagdanak ng dugo sa Eukaristiya.
Paano nakikilahok ang Simbahan sa sakripisyong Eukaristiko?
Sa Eukaristiya, nagiging sakripisyo rin ng mga kasapi ng kanyang Katawan ang sakripisyo ni Kristo. Iniuugnay sa kanya ang buhay, pagpupuri, pagdurusa, panalangin at gawain ng mga mananampalataya. Bilang sakripisyo, iniaalay rin ito para sa lahat ng mananampalataya, buhay at yumao, bilang pagbabayad-puri sa mga kasalanan ng lahat at upang humingi ng mga biyayang espirituwal at temporal mula sa Diyos. Kaisa rin ng paghahandog ni Kristo ang Simbahan sa langit.
Paano naroroon si Kristo sa Eukaristiya?
Naroroon si Hesukristo sa natatangi at di-maihahambing na paraan: tunay, totoo at sa mismong substansiya, kasama ang kanyang Katawan at Dugo, Kaluluwa at Pagka-Diyos. Kaya sa mga anyo ng tinapay at alak, naroroon sa paraang sakramental ang buo at ganap na Kristo, Diyos at Tao.
Ano ang ibig sabihin ng transubstansiyasyon?
Ito ang pagbabago ng buong substansiya ng tinapay sa substansiya ng Katawan ni Kristo, at ng buong substansiya ng alak sa substansiya ng kanyang Dugo. Nagaganap ito sa panalanging Eukaristiko sa bisa ng salita ni Kristo at pagkilos ng Espiritu Santo. Gayunman, hindi nagbabago ang panlabas na mga katangian ng tinapay at alak, ang tinatawag na “mga anyong Eukaristiko.”
Nahihati ba si Kristo sa pagpuputol-putol ng tinapay?
Hindi nahahati si Kristo. Buo at ganap siyang naroroon sa bawat anyong Eukaristiko at sa bawat bahagi nito.
Gaano katagal nananatili si Kristo sa Eukaristiya?
Nananatili si Kristo sa Eukaristiya hangga’t nananatili ang mga anyong Eukaristiko.
Anong pagsamba ang nararapat sa sakramento ng Eukaristiya?
Sa Misa man o sa labas nito, nararapat ang latria, ang pagsambang para sa Diyos lamang. Buong ingat na iniingatan ng Simbahan ang mga konsekradong Ostiya, dinadala sa maysakit at sa hindi makadalo sa Misa, inilalantad para sa taimtim na adorasyon at isinasama sa mga prusisyon. Hinihikayat niya ang madalas na pagdalaw upang sambahin ang Santisimo Sakramento sa tabernakulo.
Bakit piging ng Paskuwa ang Banal na Eukaristiya?
Sapagkat ginagawang kasalukuyan ni Kristo sa paraang sakramental ang kanyang Paskuwa at ibinibigay ang kanyang Katawan at Dugo bilang pagkain at inumin, upang pag-isahin tayo sa kanya at sa isa’t isa sa kanyang sakripisyo.
Ano ang kahulugan ng dambana?
Sagisag ito ni Kristo mismo na naroroon kapwa bilang iniaalay na sakripisyo, ang dambana ng sakripisyo, at bilang pagkaing mula sa langit na ibinibigay sa atin, ang hapag ng Panginoon.
Kailan inaatasan ng Simbahan ang mga kasapi na dumalo sa Banal na Misa?
Inaatasan ang mga mananampalatayang dumalo bawat Linggo at sa mga banal na araw ng obligasyon. Inirerekomenda rin ang pakikilahok sa iba pang araw.
Kailan kailangang tumanggap ng Banal na Komunyon?
Inirerekomenda ng Simbahan na tumanggap ang mga mananampalatayang may wastong paghahanda sa tuwing dumadalo sa Misa. Ngunit inoobliga silang tumanggap nang hindi bababa sa isang beses bawat taon sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay.
Ano ang kailangan upang tumanggap ng Banal na Komunyon?
Kailangang ganap na kabilang sa Simbahang Katolika at nasa kalagayan ng biyaya, ibig sabihi’y hindi mulat na may kasalanang mortal. Ang nakaaalam na nakagawa siya ng mabigat na kasalanan ay dapat munang tumanggap ng sakramento ng Pakikipagkasundo bago mag-Komunyon. Mahalaga rin ang diwa ng pagninilay at panalangin, pag-aayunong itinakda ng Simbahan, at angkop na kilos at pananamit bilang paggalang kay Kristo.
Ano ang mga bunga ng Banal na Komunyon? Pinatitibay nito ang pagkakaisa kay Kristo at sa Simbahan, iniingatan at pinanunumbalik ang buhay ng biyayang tinanggap sa Binyag at Kumpil, at pinalalago ang pagmamahal sa kapwa. Pinatitibay tayo sa pag-ibig, pinapawi ang mga kasalanang benyal at iniingatan laban sa kasalanang mortal sa hinaharap.
Kailan maaaring magbigay ng Banal na Komunyon sa ibang Kristiyano?
Maaaring naaayon-sa-batas na ibigay ito ng mga Katolikong tagapagkaloob sa mga kasapi ng mga Simbahang Silanganin na hindi ganap na kaisa ng Simbahang Katolika kung kusang hinihiling nila at may wastong paghahanda. Sa kasapi ng ibang pamayanang simbahan, maaari lamang sa matinding pangangailangan, kung kusang humihiling, may wastong paghahanda at nagpapakita ng pananampalatayang Katoliko tungkol sa sakramento.
Bakit “pangako ng kaluwalhatian sa hinaharap” ang Eukaristiya?
Sapagkat pinupuno tayo nito ng bawat biyaya at pagpapalang makalangit, pinatitibay sa paglalakbay sa buhay na ito at pinananabik sa buhay na walang hanggan. Iniuugnay na tayo kay Kristong nakaupo sa kanan ng Ama, sa Simbahan sa langit, sa Mahal na Birhen at sa lahat ng santo.
Sa Eukaristiya, “pinagpuputul-putol natin ang iisang tinapay na gamot ng kawalang-kamatayan, panlaban sa kamatayan at pagkaing nagpapabuhay sa atin magpakailanman kay Hesukristo.” (San Ignacio ng Antioquia)
(Kompendyum ng Katesismo ng Simbahang Katolika, blg. 271-294)